MANILA, Philippines - Agad na pinawi ng mga otoridad ang pangamba ng publiko sa kumakalat na text message hinggil sa umano’y planong pambobomba ng isang grupo ng mga Muslim sa ilang matataong lugar sa Metro Manila.
Ayon sa text message, pinaiiwas ang publiko sa matataong lugar lalo na sa mga MRT station at mall sa Quezon City, Pasig, Taguig at Makati dahil sa umano’y planong pambobomba.
Base sa kumakalat na mapanakot na text messages nakasaad dito ang “Hey guys, please go home early today and try to avoid crowded areas. If you can avoid the MRT and malls this week the better”.
“We just received information from our assets that there’s a planned bombing in the following areas”, ayon pa sa bomb text messages ng mga nagpakilalang intelligence units ng PNP at AFP.
Ayon kay AFP Spokesman Lt. Col. Harold Cabunoc, hindi ito totoo at pakay lang ng text message na takutin ang mga tao.
Pinabulaanan din ni PNP- Public Information Office(PNP-PIO) Officer in Charge P/Chief Supt. Generoso Cerbo Jr. ang kumakalat na ‘bomb text messages’ na isang “cruel joke” dahil sa walang namo-monitor ang PNP intelligence operatives ng banta ng terorismo o pambobomba sa ilang mga lugar sa Metro Manila.
Sinabi pa ni Cerbo na bagaman walang namo-monitor na banta ng terorismo sa Metro Manila ay nakahanda ang otoridad sa lahat ng oras.