Mag-asawa kinatay ng kawatan

MANILA, Philippines - Kapwa patay na nang matagpuan ang isang matandang mag-asawa dahil sa mga tinamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan mula sa hindi kilalang mga suspek na pumasok sa kanilang bahay na matatagpuan sa isang liblib na lugar sa Pangantucan, Bukidnon.

Ang nasawing mga biktima ay kinilalang sina Felipe Etabli at Lourdes Laurente, kapwa 60 anyos ng nasabing lugar.

Kapwa tadtad ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima partikular na sa kanilang likuran.

Batay sa ulat, dakong alas-8:00 ng umaga nitong Lunes nang madiskubre  ng kapatid na lalaki ng babae ang bangkay ng mga ito sa loob ng kanilang bahay.

Huling nakitang buhay ang mag-asawa ng kanilang kapitbahay nitong Sabado ng hapon matapos magtungo ang mga ito sa kabayanan.

Lumalabas sa teorya ng pulisya na ang mag-asawa ay  pinaslang noong Linggo  ng madaling araw base sa kondis­yon sa pagkatuyo ng dugo at sugat na tinamo ng mga ito ng dumating sa crime scene ang mga otoridad.

Pagnanakaw ang motibo   ng krimen dahilan  nawawala ang perang pinagbentahan ng inaning kape ng mag-asawa.

Show comments