MANILA, Philippines - Tatlong pinaghihinalaang kidnaper ang nasawi nang makipagbarilan sa mga otoridad na nagsagawa ng rescue operation sa isang 14-anyos na binatilyo na anak ng isang negosyante kahapon sa bayan ng San Juan, lalawigan ng Abra.
Ang mga nasawing kidnaper ay kinilalang sina Ademar Hilario alyas Lando, Edward Salvador alyas Mario at Edison Salvador alyas Boyet.
Batay sa ulat ng PNP-Anti Kidnapping Task Group (PNP-AKG) dakong alas-4:30 ng madaling araw nang magsagawa ng rescue operation ang mga otoridad upang sagipin ang biktima na ipinatago sa pangalang John.
Base sa imbestigasyon, ang biktima at ang ina nito ay dinukot ng mga armadong suspek sa Paniqui, Tarlac noong Disyembre 28.
Pinalaya ang ina ng bata noong Pebrero 9 upang magdelihensya ng ransom kapalit ng kalayaan ng binatilyo nitong anak.
Agad nakipagkoordinasyon ang ina sa PNP-Anti Kidnapping Group na nagsagawa ng follow-up operations hanggang sa isang tipster ang nagbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng bihag.
Nasorpresa naman ang mga kidnaper nang mapalibutan ng otoridad ang kanilang hideout at sa halip na sumuko ay nanlaban ang mga ito na ikinasawi ng mga kidnaper at nagresulta sa pagkakasagip sa biktima.
Narekober sa pinangyarihan ng shootout ang tatlong 9 MM pistol, cal 38 revolver at isang Ingram submachine gun.