MANILA, Philippines – Inirekomenda ni House Majority leader Neptali Gonzales ang pagpapatigil ng imbestigasyon sa Mamasapano encounter matapos ang nangyari tila palengkeng hearing ng mga mambabatas.
Sinabi ni Gonzales, na mas mabuting palamigin muna ang isyu dahil mayroon naman umanong ginagawang pagsisiyasat ang gobyerno.
Anya, kung sabay-sabay ang imbestigasyon ay magkakaroon ng iba’t ibang anggulo kaya sa lahat umano ng nangyayari ay ang mamamayan ang nagiging biktima dahil lalong naguguluhan, samantalang ang iba naman ay nagagalit umano sa Bangsamoro Basic Law (BBL).
Nilinaw ni Gonzales na noon umpisa pa lamang ay nais na ng Kamara na magkaroon ng isang imbestigasyon at lumikha ng isang task force na pagsasama-samahin ang police, military, DOJ at iba pang ahensiya.