MANILA, Philippines – Sa mismong Araw ng mga Puso natiklo ang isang magpinsan na dating mga mayor nang masamsam sa mga ito ang bulto ng mga kemikal sa paggawa ng shabu sa magkakahiwalay na pagsalakay sa dalawang shabu laboratory sa Masbate City kahapon ng umaga.
Ang mga nasakoteng suspek ay kinilalang sina Lester Abapo alyas Cherry Boy, dating alkalde sa San Fernando at kasalukuyang incumbent Chairman ng Brgy. Magallanes, Masbate City at Bernadito Abapo, dating alkalde ng Milagros, Masbate.
Batay sa ulat, dakong alas-6:00 ng umaga nang salakayin ng PNP-Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang laboratory ng shabu sa dalawang compound sa lungsod.
Ayon kay Chief Inspector Roque Merdeguia, spokesman ng PNP-AIDSOTF na ang sinalakay ng laboratoryo ng shabu ay ipinatayo umano ng 2 suspek, Chinese drug lord na tinukoy na si Ponga Lee alyas Co, at iba pang mga kasabwat sa sindikato ng droga sa Bicol Region.
Ang unang shabu laboratory ay matatagpuan sa Sitio Cagba, Brgy. Tugbo ng lungsod na pinangangasiwaan ni Bernadito at ang pangalawa ay nasa Brgy. Nursery ng nasabi ring siyudad na pinamamahalaan ni Cherry Boy.
Nakumpiska ang bulto-bultong kemikal sa paggawa ng shabu, mga kagamitan sa laboratoryo at mga armas.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang anti-dangerous drugs act ang mga dating lokal na opisyal.