MANILA, Philippines - Nakita niyo na SAF ‘yan e. Kahit anong violation pa ‘yan, kahit na po sinabi natin walang coordination, kahit pa sabihin pa ho natin sinong unang nagpaputok, kausap ‘yan eh, sa usaping pangkatahimikan. Bakit niyo fininish (finish) ‘yung mga tao ko?”
Ito ang mangiyak-ngiyak na sinabi ni Philippine National Police (PNP) Deputy Director at PNP Chief OIC General Leonardo Espina nang ito ay dumalo kahapon sa hearing ng Committee on Peace, Reconciliation and Unity sa Kamara sa naganap na Mamasapano encounter.
Nais ni Espina na masagot ang kanyang tanong kung bakit nagkaroon ng overkill sa kanyang mga tauhan at iginiit pa nito na legal ang operasyon sa Mamasapano dahil isang terorista at kriminal ang tinutugis ng kanyang mga tauhan.
Nabanggit din nitong hindi siya nakatulog matapos malaman ang resulta ng medico legal sa SAF 44 na kung saan ay may ilang tinamaan lang sa paa, pero tuluyang pinatay, may binaril sa ulo at may binaril pa nang malapitan.
Ayon sa OIC chief, sigaw ng kanilang hanay ang “fairness and justice.”
“Walang ibang magsasalita dito para sa mga tao ko kundi ako. Walang ibang inaasahan itong namatayan nitong 44 kundi po tayong lahat. Bigyan naman natin ng hustisya at magpakatotoo sana tayo rito,” mensahe ni Espina.
Matapos ang pahayag, tiniyak ng mga kongresista na kaisa sila sa layuning ito ni Espina. Pinalakpakan din siya ng mga dumadalo sa hearing.
Sunod nito, nakitang lumapit ang umiiyak ang sinibak na si Special Action Force (SAF) chief Getulio Napeñas kay Espina at kanyang niyakap habang si MILF Coordinating Committee on Cessation of Hostilities Chairperson Rasid Ladiasan ay nakayuko.
Pinagtalunan din ng mga kongresista kung dapat ipalabas sa pagdinig ang kumakalat na video sa social media na kung saan pinapakita ang isang miyembro ng SAF na sugatan ay malapitang binaril ng isang lalaki.
Pinakumpirma naman ni Zamboanga Rep. Celso Lobregat ang authenticity ng video at kilalanin kung ito nga ay miyembro ng SAF na sinagot naman ni 55th SAFs company commander Supt. Rey Ariño na tao niya ang nasa video na malapitang binaril ng hinihinalang miyembro ng MILF.
Ang 55th SAF Company ay binubuo ng 36 elite commandos kung saan 35 sa mga ito ang napaslang habang ang nag-iisang survivor na si PO2 Christopher Lalan ay nagawang makatakas.
Samantala, ang siyam pang nasawi ay mula naman sa 84th SAF company na may dala ng ‘index finger’ na pinutol sa target ng Oplan Exodus na si Jemaah Islamiyah (JI) terrorist Zulkipli bin Hir alyas Marwan habang nakatakas naman ang Pinoy henchman nitong si Abdul Basit Usman.