Pedicab driver inutas ng kagawad

MANILA, Philippines - Namatay habang nilalapatan ng lunas ang isang 38-anyos na pedicab driver nang ito ay hatawin sa ulo ng kahoy ng isang barangay kagawad at barilin pa ng kasama kahapon ng madaling araw sa Tondo, Maynila.

Ang nasawi ay kinilalang si Joel Sunga, no. 1482 F. Ma. Guerrero St. Tondo, Maynila  sanhi ng sugat sa ulo at tama ng bala sa katawan.

Ang mga suspek na tumakas ay kinilalang sina Rex Mallari, ng  no. 1416 F. Ma. Guerrero St.. Tondo  at  Sherwin Herosa, barangay kagawad ng Brgy. 243,  Zone 22.

Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-2:00 ng mada­ling araw sa panulukan ng F. Ma. Guerrero at Mayhaligue Sts., Tondo ay kainuman ng biktima ang dalawang suspek na kung saan ay nagkaroon ang mga ito ng mainitang pagtatalo.

Upang hindi na hu­maba ang gulo ay umalis ang biktima, subalit sinundan ng dalawang suspek at nang maabutan ay hinataw ng kahoy at pinagbabaril pa.

Show comments