Kotse nadaganan ng bus sa EDSA

Nagmistulang nayuping lata ang isang kotse nang ito ay madaganan ng isang pampasaherong bus na nawalan ng preno matapos itong biglang huminto kahapon ng umaga sa Edsa, Muñoz, Quezon City.  Boy Santos

MANILA, Philippines - Nayupi na parang lata ang isang bagong kotse matapos na ito ay madaganan ng isang pampaherong bus nang magkarambola ang apat na sasakyan kahapon ng umaga sa kahabaan ng EDSA-Muñoz, Quezon City.

Masuwerteng nakalabas agad ang driver ng Toyota Vios na si Marcelino Umalin, 44 ng no. 1 Bluebird St., Saint Francis Village, Meycauayan, Bulacan na nagtamo lamang ng galos.

Batay sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong alas-9:00 ng umaga sa northbound lane ng EDSA kanto ng Corregidor St., Brgy. Ramon Magsaysay sa lungsod ay kapwa binabaybay ng Dela Rosa Transit bus (TYM-449) na minamaneho ni Edgardo Lelis, 35; pampasaherong jeep (TVL-602) na minamaneho ni Marlon Anol; Ziamen Kinglong Bus (TYU-602) na minamaneho ni Jerry Baylon at ang Toyota Vios.

Biglang pumreno ang nasa unahan bus kaya’t sumalpok ang Toyota Vios at dahil sa mabilis din umano ang takbo ng Dela Rosa Transit ay bumangga at sumampa ito sa likuran ng Toyota Vios na  sumagi pa sa pampasaherong jeep.

Halos isang oras na naipit ang driver ng kot­se bago nahugot at sa kabila ng matinding pagkayupi ng kotse, kaun­ting sugat lamang ang tinamo ng driver dahil sa airbag at may malay ito nang ilabas at isakay sa ambulansya.

Show comments