MANILA, Philippines – Nasa 30 bahay ang naabo sa magkahiwalay na insidente ng sunog sa Pasig City at Quezon City kahapon.
Sa Pasig City, 20 bahay na pawang gawa sa light materials ang nasunog nang sumiklab ang apoy dakong alas-5:15 ng umaga sa Rodriguez Compound, Barangay Rosario, Pasig City.
Naideklarang fire under control ang sunog ng alas-6:00 ng umaga at hindi pa batid ang tunay na pinagmulan ng apoy.
May 10 bahay naman sa Brgy. San Vicente, Quezon City ang nasunog dahil sa napabayaang kandila.
Sa ulat, nagsimula ang sunog ganap na ala-1:10 ng madaling araw sa sala ng bahay ng isang Jimmy Rita, 22, na matatagpuan sa no. 24 B, Lourdes St.
Nabatid na gumagamit umano ito ng kandila bilang ilaw matapos mawalan ng kuryente.
Dahil pawang mga gawa lamang sa light materials ang bahay ay madaling nilamon ito ng apoy hanggang sa madamay na rin ang iba pang kadikit na bahay nito.
Naapula ang sunog ganap na alas-2:33 ng madaling araw.