“Magkakasama tayo. At magtutulungan upang mas lumakas pagkatapos nito.”
MANILA, Philippines – Ito ang tiniyak ni Interior at Local Government Secretary Mar Roxas sa mga miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) kasabay ng pangakong gagawin ng gobyerno ang lahat upang masuportahan ang mga pamilya ng kanilang kasamahan na namatay sa sagupaan sa Mamasapano, Maguindanao nitong Enero 25.
Isang araw matapos iuwi ang labi ng 42 sa tinawag na “Fallen 44” sa kanilang mga lalawigan, pinarangalan at pinasalamatan ni Roxas ang mga pulis na lubos na nagsakripisyo sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin.
“Nagtipon tayo sa ngalan ng isang lubos na nagpapasalamat na bansa,bilang pagkilala sa kanilang kabayanihan,” wika ni Roxas na lumahok din sa isang salo-salo kasama ang mga opisyal at tauhan ng SAF sa kanilang headquarters kamakalawa sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Ayon kay Roxas, maitutulad ang munting salu-salo sa pagsasama-sama ng mga pamilya sa pagkain upang alalahanin ang mga yumao nang mahal sa buhay.
“Tulad ng ibang pamilya, nagtipon tayo ngayon nang walang pakay, walang agenda, kundi para lang magkasama-sama,” ani Roxas.
“Walang duda, ginampanan ng SAF lalo na ‘yung 44 at 15 (sugatan) ang kanilang tungkulin with utmost courage to the unit, to the flag. The SAF got their man.”
Nilinaw din ni Roxas na mahalaga ang papel ng Board of Inquiry para masagot ang maraming katanungan.
“Ang Board of Inquiry na ito, tapat, hayag at masasagot ang katanungan bilang respeto sa alaala ng mga pumanaw,” pagwawakas ni Roxas.