MANILA, Philippines - Binistay ng bala ang isang 51-anyos na beautician nang pagbabarilin ng riding in tandem habang naglalakad sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, natatakpan ng diyaryo ang nakasubsob na bangkay ng umano’y bading na si Ronaldo Legaspi, Y Flores, residente ng no. 575 Road 4, Gagalangin, Tondo.
Tumakas matapos ang pamamaril ng hindi pa kilalang mga suspek na inilarawang kapwa nakasuot ng bull cap at itim ang mga jacket, magka-angkas sa motorsiklong hindi naplakahan at armado ng hindi batid na kalibre ng baril.
Ang insidente ay naganap dakong alas-2:25 ng madaling araw sa kahabaan ng Javier st., malapit sa panulukan ng Pag-asa st., Gagalangin, Tondo, kung saan nakitang tumatakbo ang biktima dahil hinahabol ng mga suspek. Binaril sa likod ng tenga ang biktima ng makorner ng mga ito.
Patuloy pa ang imbestigasyon upang mabatid ang tunay na motibo sa nabanggit na insidente.