MANILA, Philippines – Tinanggal bilang hepe ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) Commander si P/Director Getulio Napeñas dahil sa madugong bakbakan sa miyembro ng mga rebeldeng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na kumitil ng buhay ng 44 na tauhan ng pulisya habang 12 pa ang nasugatan noong Enero 25 sa Maguindanao.
Ito ang inihayag ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas habang gumugulong pa ang imbestigasyon ng binuong Board of Inquiry sa nasabing trahedya.
Pinatawan ng administrative relief si Napeñas at pinalitan ng kanyang deputy na si Chief Supt. Noli Taliño.
Ayon pa kay Roxas na wala umanong clearance sa kanya at kay Philippine National Police (PNP) Officer in Charge Deputy Director General Leonardo Espina si Napeñas nang isagawa ang sumablay na ‘special operation’ ng PNP-SAF.
Magugunita na noong Enero 25 dakong alas-3:00 ng madaling araw ay nagsagawa ng operasyon ang PNP–SAF upang arestuhin sa bisa ng warrant of arrest ang most wanted na si Jemaah Islamiyah (JI) terrorist Zulkipli Bin Hir alyas Marwan, Malaysian national na may patong sa ulong $5M at Basit Usman sa Brgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao pero matapos ang matagumpay na misyon sa pagkakabihag kay Marwan ay nakasagupa ng mga ito ang BIFF rebels.