Mayor Binay handang magpakulong kung aarestuhin ng senado

MANILA, Philippines - Sakaling arestuhin ng Senado dahil sa kasong contempt na kinakaharap  ay handa nang magpakulong si Makati City Mayor Jun Jun Binay.

Ito ang sagot ni Ma­yor Binay matapos  i-utos kahapon ng Senate Blue Ribbon Committe ang pag-aaresto sa kanya at  ilan pang opisyal ng lungsod dahil sa patuloy nitong pag-isnab sa pagdinig ng Senado kaugnay sa sinasabing maano­malyang proyekto o overpriced na Makati City Hall building-2.

Sa pakikipagpulong nito sa mga mamamahayag, inakusahan nito ang Senado ng pagiging bias, hindi aniya pantay ang pagtingin  at hindi umano pinaiiral sa kanya at kanyang pamilya  ang due process.

Nilinaw ni Mayor Binay, na iginagalang niya ang Senado bilang institusyon at wala siyang intensiyon na kalabanin at galitin ang mga senador sa hindi niya pagsipot sa pagdinig nito.

Ngunit may karapatan din aniya  umano siyang dapat na igalang nito tulad na lamang ng paghingi niya ng mga puntos na nais nilang itanong sa pagdinig.

Ayon kay Binay nang simulan ang pagdinig ng komite ay walang alinla­ngan siyang pumunta dahil sa pag-asa na mabibigyan ng linaw ang mga maling paratang at alegasyon na ibinabato sa kanilang pamilya.

Anya, sa imbitasyon ng komite ay gagawin siyang resource person ngunit naramramdaman nito na siya ay itinuturing ng akusado at hinuhusgahan na may kasalanan at walang karapatan.

Kapag sinasagot ang tanong ng komite ay madalas na binabara at kinukutya.

Samantala, bagaman handa si Binay sa pag-aresto ay hindi muna ipapatupad ng Office of the Senate Sergeant at Arms (OSAA) ang arrest at detention order laban dito at limang iba pa.

Ayon kay Senate Sergeant-at-Arms  retired Major General Jose V. Balajadia Jr. kaila­ngan pa nilang hintayin ang desisyon ng Senate Committee on Rules kaugnay sa pag kuwestiyon ni Se­nate Minority Leader Vicente Sotto tungkol sa quorum ng mga senador na nagdesisyon tungkol sa  contempt.

 

Show comments