Manager inutas ng nakamotor

MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 34-anyos na operation manager ng isang security agency matapos pagbabarilin ng isang lalaki na sakay ng motorsiklo kamakalawa sa Makati City.

Ang biktima na nagtamo ng apat tama ng bala ng kalibre 45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kinilalang si Robert Wong, ng Del Carmen St., Barangay Guadalupe Nuevo ng naturang lungsod.

Batay sa ulat, dakong alas-6:50 ng gabi ay papasakay na ang biktima sa kanyang Montero na may conduction sticker ND3900 na nakaparada malapit sa kanyang bahay nang sumulpot ang suspek at walang kaabug-abog na pinagbabaril ang biktima.

Nang matiyak ng suspek na patay na ang  biktima ay tumakas ito sakay ng motorsiklo na walang plaka.

Sinisiyasat ng pulisya ang anggulo kung may kinalaman sa pagiging operation manager ng isang security agency ang biktima. - Lordeth Bonilla-

Show comments