MANILA, Philippines - Naalarma ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa nabulgar na pagre-recruit ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa mga elementary pupils sa kanilang mga balwarte.
“Nababahala kami sa panlilinlang ng mga NPA sa mga eskuwelahan”, pahayag ni AFP Public Affairs Office (AFP-PAO) Chief Lt. Col. Harold Cabunoc.
Ang naitalang pinakahuling insidente ay ang ginawang pagpapakalat ng mga subersibong dokumento at mga babasahin ng mga rebeldeng NPA sa silid-aralan ng Tanulong Elementary School sa Tanulong, Sagada, Mountain Province kamakailan.
Kinondena ni Cordillera Police Director P/Chief Supt. Isagani Nerez ang pagiging desperado ng kilusang komunista at pati mga bata ay nilalason na ang isipan upang gawin itong susi sa recruitment ng kanilang grupo.
Nabatid na nagulat na lamang ang mga elementary pupils partikular na sa Grade V at Grade VI at pagpasok nila kinaumagahan ay may mga nakasingit sa pintuan at bintana na mga subersibong babasahin.
Nakapaloob sa nasabing mga dokumento ang dalawang set ng Bayan pamphlets na tumutuligsa sa mga sundalo na kalaban ng umano’y makataong rebolusyon na tagapagtanggol ng mamamayan, korapsyon umano sa gobyerno partikular na noong pananalasa ng bagyong Yolanda sa Visayas Region noong Nobyembre 2013, presensya ng mga sundalong Kano sa Pilipinas at iba pa.
Nanawagan rin ang opisyal sa mga magulang na bantayan at gabayan ang kanilang mga anak upang hindi maligaw ng landas dahilan sa anupamang recruitment ng NPA rebels sa mga kabataan sa alinmang panig ng bansa. - Joy Cantos-