MANILA, Philippines - Sabog ang ulo ng isang jail guard ng Bureau of Correction (Bucor) matapos na barilin ng tatlong beses sa loob ng isang condominium unit na pag-aari ng isang abogado kahapon ng madaling araw sa Malate, Maynila.
Ang biktima na natagpuang patay ay kinilalang si JO1 Tristan Cultivo, 31, residente ng No. 155 Posadas Village, Sucat, Muntinlupa City.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-12:30 ng madaling araw nang matagpuang patay ang biktima sa Room 2503 ng Burgundy Condominuim na matatagpuan sa 2442 Taft Ave., Malate, Maynila.
Nabatid na ang nasabing condominium unit ay pag-aari ng isang Atty. Vladimir Bungaring, 36 na huling nakita na umalis sa lugar dakong alas-11:00 ng gabi.
Palaisipan sa pulisya kung ano ang ginagawa ng biktima sa condo unit ng abogado.
Patuloy ang imbestigasyo kung may kinalaman ang abogado sa insidente na pinaghahanap ng pulisya.