MANILA, Philippines - Ibinunyag ng isang mataas na opisyal ng Alphaland Development Inc., sa Senate Blue Ribbon sub-committe na humingi umano ng malaking kickback sa proyekto sa pamamagitan ng kanilang kumpanya at Boy Scout of the Philippines (BSP) si dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado sa patuloy na pagdinig sa kontrobersyal na umano’y overpricing ng itinayong Makati City Hall Building 2 at iba pang isyu na ikinakabit laban kay Vice President Jejomar Binay.
Sinabi ni Alphaland President Mario Oreta, naging masigasig si Mercado na pag-usapan at ituloy ang transkayon sa pagitan ng Alphaland at BSP para sa isang proyekto sa may Ayala Avenue dahil sa makukuhang kickback.
Ayon pa kay Oreta na mismong si Mercado at hindi si VP Binay ang nakipag-negosasyon sa ‘deal’ sa pagitan ng Alphaland at BSP sa kapasidad noon ni Mercado bilang senior vice president at head ng asset management committee.
Sinabi pa ni Oreta na nagparamdam noon si Mercado para makakakuha siya ng “benepisyo” sa nasabing proyekto.
“I am sure you will remember that you made less than subtle hints that some ‘benefits’ were due to you for agreeing to conclude this project, and I am sure that you will also remember that I explained to you that Alphaland was a joint venture company with the Ashmore Group,” ani Oreta para kay Mercado.
Taliwas sa sinasabi ni Mercado, ang transaksyon ng Alphaland ay ang naging pinakamagandang investment na ng BSP. Base umano sa Alphaland deal sa BSP, ang proyekto ay maaaring kumita ng buong interes na 15 porsyento.
Idinagdag naman ni Atty. Rico Paolo Quicho, vice presidential spokesman for political affairs na malinaw na nanghingi ng kickback si Mercado base sa pagbubunyag ng Aplhaland official.
“Malinaw na lokohan na ang nangyayari dahil ang tao na ayon sa Alphaland ay nanghingi ng kickback ang siyang ginagamit na witness para siraan si Vice President Binay,” ani Quicho.
Ang pahayag ng kampo ni Binay ay bilang sagot sa sinabi ni Mercado na nagkaroon na naman umano ng kalokohan sa nasabing proyekto.