ASG vs. militar: 3 patay 6 sugatan
MANILA, Philippines - Patay ang tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) habang anim ang sugatan nang makasagupa ng tropa ng pamahalaan ang halos 75 rebelde sa magkakahiwalay na insidente sa bayan ng Sumisip, Basilan kamakalawa.
Sa report ni Lt. Col. Harold Cabunoc, hepe ng AFP Public Affairs Office, dakong alas -11 ng umaga nang unang makasagupa ng Army’s 104th Brigade ang nasa 25 Abu Sayyaf sa ilalim ng pamumuno nina Abu Sayyaf Sub-Commander Juhaible Alamsirul alyas Abu Kik sa Brgy. Pamantsaken, Sumisip ng lalawigan kung saan dito nasugatan ang isang alyas “Yusof”.
Agad na tumakas ang mga bandido patungo sa hilagang direksyon at dakong alas-12:55 ng hapon nang puntiryahin ng sniper fires ng mga bandido ang mga sundalo sa Brgy. Baiwas, Sumisip , Basilan. Dakong ala-1:38 ng hapon naman habang nagsasagawa ng clearing operations ang mga sundalo ay nakasagupa naman ng mga ito ang grupo nina Radzmil Janatul alyas Khubayb at Abu Sayyaf Sub-Leader Juhaibel Alamsirul at 50 nitong tauhan sa Sitio Crossing Baiwas, Brgy. Baiwas , Sumisip ng lalawigan at tumagal ito ng dalawang oras.
Samantala, narekober rin ang isang bomba na gawa sa 40MM, M203 at grenade launcher na itinanim ng mga bandido sa isang lumang gusali sa Brgy. Baiwas na agad namang nai-detonate. (Joy Cantos)
- Latest