Misis, 2 anak pinatay, mister nagpakamatay

MANILA, Philippines - Mistulang nawalan sa katinuan ng isip ang isang mister dahil sa mga kinakaharap na problema kung kaya’t nagawa nitong patayin sa saksak ang misis at dalawang paslit na anak bago nagpakamatay na naganap kamakalawa ng gabi sa kanilang bahay sa Iligan City, Lanao del Norte.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Roallyn Lanojan, 27, mga anak nitong sina Crisel Joy, 5 at Dodong, 2.

Pawang nagtamo ng malalalim na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mag-iina.

Ang suspek na namatay din pagkatapos magsaksak sa sarili ay kinilalang si Bernabe Lanojan, 31.

Sa imbestigasyon ng pulisya, bago natagpuang patay ang mag-iina at suspek dakong alas-11:00 ng gabi sa loob ng kanilang bahay na matatagpuan sa Brgy. Tubod, Iligan City ay narinig ng mga kapitbahay ang kalabugan sa bahay ng pamilya Lanojan at paghingi ng  saklolo ng mag-iina.

Tumawag ang mga kapitbahay ng mga pulis at nang dumating ay sarado ang pinto ng bahay kaya’t napilitan na ito ay wasakin at nang mabuksan ay tumambad ang bangkay ng mag-iina.

Samantala ang suspek ay nakita na naghahabol ng hininga hanggang sa ito ay tuluyang namatay.

Nasamsam sa crime scene ang patalim na ginamit ng suspek at isang suicide note.

 

Show comments