Fotog na nagpalipad ng drone sa papal visit kinasuhan

MANILA, Philippines - Dinakip ng mga otoridad at kinasuhan ng kasong kriminal ang isang photographer dahil sa pagpapalipad nito ng Unmanned Aerial Vehicle o camera-mounted drone  sa Roxas Boulevard, Maynila.

Ang suspek ay kinilalang si Michael Sy Yu, 35-anyos na nasakote matapos itong mahuling nagpapalipad ng drone malapit sa Diamond Hotel sa kanto ng Roxas Boulevard at Dr. J.Quintos Street sa Malat, Maynila noong umaga ng Sabado sa kabila ng ‘no fly zone policy’.

Nabatid na wala si Pope Francis sa Papal Nunciature dahilan lumipad ito sa Tacloban City  noong Sabado para mabisita ang mga biktima ng bagyong Yolanda sa lungsod at maging sa Palo, Leyte.

Nabatid na si Yu ay photographer ng Snaps Creative Inc., na nahuli sa akto ng mga operatiba na nagpapalipad ng drone habang kinukunan ang libu-libong mga deboto sa lugar.

Una nang idineklara ng mga otoridad ang ‘no fly zone’ sa siyam na lugar na ‘areas of engagement’ ni Pope Francis  at kabilang din sa ipinagbabawal ay ang pagpapalipad ng drone na nauna nang ibinabala sa mga sikat na television network.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa no flying zone na iniimplementa ng pamahalaan sa 5 araw na papal visit.

 

Show comments