MANILA, Philippines - Maituturing na banta ang Bagyong Amang sa Visayas na lugar na dadalawin ng Santo Papa ngayong araw.
Sa ulat, ng PAGASA, alas-11:00 ng umaga kahapon ay namataan si Amang sa layong 560 kilometro silangan ng Borongan City, Eastern Samar taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 75 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 90 kilometro bawat oras.
Kumikilos si Amang pakanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras.
Nakataas ang signal no.1 sa mga lugar ng Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Burias Island, Sorsogon, Masbate kasama na ang Ticao Island sa Luzon gayundin sa Northern Samar, Eastern Samar,
Samar, Biliran at Leyte sa Visayas.
Ngayong umaga, ang Bagyong Amang ay inaasahang nasa layong 180 kilometro silangan ng Borongan City, Eastern Samar at sa Linggo ng umaga ay inaasahang nasa layong 40 kilometro hilagang silangan ng Legazpi City sa Bicol at sa Lunes ay nasa bisinidad ng Baler, Aurora.