MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang 48-anyos na obrero nang pagtulungang pagsasaksakin ng tatlong kasamahan sa trabaho na nag-iinuman sa loob ng kanilang barracks sa Malabon City kamakalawa ng hapon.
Ang nasawi ay kinilalang si Jorge Cabangon, may-asawa, residente ng no. 11 Ibarra Street, Acacia, ng naturang lungsod.
Isa sa tatlong suspek na nadakip ay kinilalang si Arnold Salente, 47, balo, ng Brgy. Pulang Lupa, Valenzuela City; habang pinaghahanap pa ang mga kasama na kinilalang sina Nelvin Puda alyas “Dodong Taba” at Giovani De Dios.
Batay sa ulat, dakong alas-5:00 ng hapon ay nag-iinuman ang mga suspek sa loob ng kanilang barracks nang maibulalas ng suspek na si De Dios ang sama ng loob nito sa biktima na siya namang pagsulpot ng biktima na narinig ang sinabi ni De Dios na naging dahilan ng mainitang pagtatalo.
Pinagtulungan ng tatlong suspek ang biktima na gulpihin at pagsasaksakin bago mabilis na nagsitakas.
Isang follow-up operation ang isinagawa ng pulisya at naaresto si Salente at nakuha ang isang balisong at screw driver na hinihinalang ginamit sa pagpatay sa biktima.