MANILA, Philippines – Dapat magpakita ng disiplina at pagiging vigilante ang mga Pinoy sa pagdating ni Pope Francis sa bansa.
Ito ang apela sa mga mamamayan si Senator Aquilino Pimentel III at magiging matagumpay ang pagbisita ng Santo Papa kung makikiisa ang lahat at magpapakita ng ibayong disiplina upang mas maging sagrado ang misa at mga public engagements ng pinakamataas na lider ng Simbahang Katoliko sa bansa.
Inaasahan na aniya ang pagdagsa ng milyun-milyong deboto sa mga misang pangungunahan ni Pope Francis kaya napakahalaga ng pakikiisa at pagpapakita ng disiplina ng lahat.
Naniniwala si Pimentel na hindi kakayanin ng gobyerno ang lahat at kung hindi makikipagtulungan ang mga mamamayan upang maiwasan ang hindi magandang pangyayari katulad ng pagkakaroon ng stampedes o pagkakagulo.
Maging ang Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) ay nanawagan din na panatilihin ang kaayusan sa pagbisita ng Santo Papa tulad ng mga mamamayan sa South Korea na hindi concrete barrier ang ginawa sa pagharang kundi powdered chalk lang ang pinangguhit sa main avenue ng Seoul at walang nagtangkang lumagpas doon.
Naniniwala ang CBCP na kung disiplina lamang ang paiiralin ng mga Pinoy hindi na kailangan ang paulit-ulit na panawagan ng pamahalaan na kung saan ay inaasahang aabot sa 5 milyon ang dadalo sa misa.
Pinaalalahanan din ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga Pinoy na isentro ang Panginoong Hesus sa pagbisita ng Santo Papa sa bansa.
“Bilin po ng Santo Papa na si Hesus ang maging sentro,” ani Cardinal Tagle.