MANILA, Philippines – Nalasog ang katawan ng isang ginang matapos magulungan ng tanker na bumangga sa kanilang motorsiklo kahapon sa Caloocan City.
Ang nasawing ginang ay kinilalang si Kulwinder Kaur, 42, Indian national, residente ng #163 Silvino Rivera St., Barangay 163 ng nasabing lungsod.
Habang nasugatan ang anak nitong si Gurminder Ubhoo,18, na nagtamo naman ng mga sugat at galos sa paa at katawan.
Nakakulong naman ang suspek na si Solon Principe, 49, ng Block 9, Lot 11, Phase 1, Pabahay 2000, Muzon, San Jose del Monte, Bulacan.
Sa ulat, dakong alas-11:00 ng umaga ay minamaneho ni Gurminder ang motorsiklo angkas ang ina nang mag-overtake ito sa tanker (RGD-899) sa kahabaan ng Tandang Sora Extension, Barangay 163.
Dito ay nawalan ng kontrol sa manibela si Gurminder dahilan upang tumilapon ang ina at tiyempong parating ang tanker at nagulungan ang katawan ng ginang.