MANILA, Philippines - Agarang paglilikas ang ipatutupad ng gobyerno para sa lahat ng Pinoy sa Libya kasunod ng madugong air strike sa isang oil tanker na may lulan na mga tripulanteng Pinoy na nasugatan.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nananatili ang crisis alert level 4 o mandatory evacuation sa Libya at ipinatutupad ang total deployment ban sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa nasabing bansa.
Kinilala ng DFA ang dalawang Pinoy na sina 2nd Engineer Ricardo Makiramdam at si Leonel Juerto. Si Makiramdam ay tinamaan ng shrapnel sa tiyan, habang si Juerto naman ay inoperahan sa paa.
Inatasan na rin ng DFA ang Embahada ng Pilipinas sa Tripoli na tulungan ang mga Pinoy na nabiktima sa air strike habang ipinaalam ng gobyerno sa kanilang mga kaanak sa Pilipinas ang kanilang sinapit.
Sa inisyal na ulat, isang Greek at Romanian nationals ang minalas na nasawi sa air strike na isinagawa ng Operation Dignity Forces.
Noong Mayo 19-20, 2014, inindorso ng Libyan Military Commanders ang Operation Dignity movement laban sa Islamist militant groups kung saan kinontra ito ng ilang mga militias sa Libya.
“We appeals to all Filipino nationals there to take extra precaution and to avail of the Philippine government repatriation program”. Ani pa ng DFA.