15-M deboto dadagsa sa Quiapo

MANILA, Philippines – Aabot sa 15-milyong deboto ang  dadagsa sa Pista ng Itim na Nazareno sa Biyernes kaya’t puspusan naman ang ginagawang   paghahanda ng  Manila Police District para sa seguridad ng  lahat.

Ipinaliwanag ni MPD Director  Sr. Supt. Rolando Nana,  sa ganitong kalaking bilang kailangan ang pinagsama-samang  seguridad  ng pulisya mula sa MPD, NCRPO,  Coast Guard, force multiplier, task force, medical at maging ang  first responder team ng  Manila Disaster Risk Reduction Management Council.

Bukod sa orihinal na imahen, isang replika ang ilalagay sa Quirino Grandstand para sa pahalik. Pwede ring pumunta ang mga deboto sa iba pang diocese na may replika ng imahen ng Black Nazarene.

Siyam na pilgrim image na ang naipadala ng Simbahan ng Quiapo mula noong 2010 kabilang sa Cagayan de Oro, Iligan, Isabela; Ipil, Zamboanga; Borongan, Eastern Samar; Talibon, Bohol; Capiz, Catarman, Bayombong, Nueva Viscaya; at Malolos, Bulacan.

Bukas hanggang Biyernes, may vigil mass sa Quirino Grandstand, at pagpatak ng alas-5:00 ng madaling araw sa mismong araw ng kapistahan sa Biyernes, magmimisa si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle bago ang traslacion.

Tulad din noong isang taon ang ruta ng andas. Mula Quirino Grandstand, didiretso sa Katigbak Drive at Padre Burgos, kakaliwa sa Taft Avenue, tatawid sa Jones Bridge at papuntang Escolta.

Show comments