Lolo ginilitan ng nobya

MANILA, Philippines – Pinaniniwalaang pinatay ng sarili niyang nobya ang isang 73-anyos na lolo sa bahay nito kamakalawa ng gabi sa Naic, Cavite.

Ang biktima ay nakilalang si Romer Perez, residente ng Barangay Ibayo Silangan, kung saan nagtamo ng saksak sa leeg na umano’y kagagawan ng nobya nito  na si Ilene Alipio alyas Natalie, 22, tubong Porac, Pampanga at ang nobyo din ng huli na si Abdullah Lacongay.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:00 ng gabi nang matagpuang natatakluban ng mga unan ang biktima habang nagkalat ang mga dugo sa silid nito.

Sa salaysay ng dalawang saksi, bago natagpuang patay ang biktima ay nakita nila na humahangos patakbo palabas ng bahay ang di kilalang suspek at si Natalie na may dalang backpack saka mabilis na sumakay ng motorsiklo.

Mabilis naman na tinungo ng mga nasabing saksi ang bahay ng biktima at tumambad sa kanila ang duguang katawan nito.

Sa pagsisiyasat ng pulisya ay nawawala  ang tatlong cell phone ng biktima at hindi pa mabatid na halaga ng pera.

Nagsasagawa ng ope­rasyon ang pulisya para sa ikadarakip ng dalawang suspek.

Show comments