P400-M shabu nasamsam sa Parañaque
MANILA, Philippines – Dinakip ng mga otoridad ang isang Danilo Pineda nang makumpiska sa cargo nito ang nasa 40 kilong shabu na aabot sa halagang P400 milyon nang salakayin ang isang warehouse sa Parañaque City kahapon.
Batay sa ulat, alas-2:00 kahapon ng hapon nang dumating sa nasabing lugar si Pineda upang kunin ang apat na kahon na may lamang water pump, subalit nang inspeksiyunin ng mga pulis ay naglalaman ng mga shabu.
Sa bawat isang kahon ay may laman na water pump na kulay green at sa loob ng tangke o cylinder pump ay mayroon nakasiksik na maliit na kulay itim na bag na kung saan nakalagay ang shabu na may 10 kilo.
Ang naturang kontrabando ay dumating sa bansa noong Disyembre 28 mula sa Hong Kong sakay ng Cathay Pacific flight number TX-903, dahilan upang kaagad arestuhin ng mga pulis si Pineda.
Iginiit naman ni Pineda na hindi niya alam na may lamang shabu ang mga pinakuhang bagahe ng kanyang amo (hindi binanggit ang pangalan ng kanyang amo) na sinasabing matagal na umanong importer ng water pumps.
Ayon kay Atty. Roque Merdeguia, ng PNP-AIDSOFT, ilang araw na nilang inaantabayanan kung sino ang kukuha ng 4 na kahon na bagahe na inilagay sa warehouse ng Peoples Air Cargo and Warehousing Company o pair cargo sa NAIA Avenue sa nasabing lungsod.
Nabatid pa kay Atty. Merdeguia, na ang apat na kahon ay nakapangalan kay Pineda kaya’t alibi lamang nito na hindi niya alam na ang laman ng mga kahon ay droga.
- Latest