MANILA, Philippines – Inamin ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na malaking hamon sa seguridad ang limang araw na pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas dahil sa malaking bilang ng mga Pilipino na gustong makita nang personal ang Santo Papa.
Si Pope Francis ay nakatakdang bumisita sa Pilipinas mula Enero 15 hanggang Enero 19 kaya puspusan ang preparasyon ng mga kagawaran ng gobyerno tulad ng DILG at Department of National Defense (DND) na magtatalaga ng dalawang batalyon ng mga puwersang naging peacekeepers ng United Nations at beterano sa Golan Heights.
Sa Enero 16, magsasadya si Pope Francis sa Malakanyang upang makipagkita kay Pangulong Benigno Aquino III bilang pinuno ng isang bansa na kinakatawan ng Vatican City.
Ipinaalala ni Roxas lalo sa intelligence community na hindi na dapat maulit ang “Oplan Bojinka” o tangkang pagpatay kay Pope John Paul II na isa nang santo ngayon nang dumalaw ito sa Pilipinas noong 1995.
Natuklasan ang tangkang pagpaslang nang magkasunog sanhi ng kemikal sa isa sa mga kuwarto sa Doña Josefa Apartments sa Malate, Maynila na inuupahan ng mga ekstremistang Muslim sa pangunguna ng teroristang Pakistani-Palestinian na si Ramzi Yousef.
“Dapat mas doble at matindi ang pagbabantay ng pulisya at militar ngayon sa nalalapit na pagbisita ni Pope Francis,” dagdag ni Roxas.