MANILA, Philippines - Malaking problema ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga pasaway na motoristang sumasakop sa malaking bahagi ng EDSA sa tapat ng Balintawak Market na sanhi ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko sa lugar.
Inamin ng MMDA ang masikip na trapiko sa EDSA-Balintawak dahil sa nakahambalang na mga sasakyan ng mga biyahero sa tapat ng palengke.
Marami sa mga sasakyan ay wala namang inihahatid na produkto ngunit nakaistambay lamang at naghihintay ng makokontrata sa paghahakot ng mga pinamili.
Tatlong linya na ng EDSA ang sakop ng mga nakaparadang mga behikulo mula trak, owner type jeeps, jeepneys, at maging mga kotse at SUVs na lumilikha ng matinding trapik.