MANILA, Philippines - Ngayong araw ay iaakyat sa kasong murder mula sa kasong “reckless imprudence resulting to homicide” na isinampa sa isang motorista na nakasagasa at nakapatay sa MMDA traffic enforcer na si Sonny Acosta.
Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na agad na ihahain ng kanilang mga abogado ang pagpapataas sa kasong murder sa Quezon City Prosecutor’s Office laban kay Mark Ian Libunao makaraang tuluyang masawi si Acosta na kahapon ay ipina-cremate na ang labi nito.
Anya, kailangang panagutan ni Libunao ang ginawa nito kay Acosta na ginagawa lamang ang tungkulin bilang tagapagpatupad ng batas trapiko.
Hindi umano niya maisip kung bakit nagawa ito ni Libunao gayung naging magalang at sumaludo pa umano si Acosta sa kanya nang parahin ito lulan ng isang SUV (Sports Utility Vehicle) nang pumasok sa yellow lane sa EDSA noong Disyembre 19.