MANILA, Philippines – Upang mapalakas ang kampanya para sa transparency, accountability at mabuting pamamahala sa lokal na antas ay palalakasin ni Interior at Local Government Secretary Mar Roxas ang tambalan ng mga grupong pangrelihiyon at local government units (LGUs) sa papasok na taong 2015.
“Kasama ang iba pang programa kontra-kahirapan na programa, nawa’y maipagpatuloy at mapagtibay ng UBAS (Ugnayan ng Barangay at Simbahan) at HULMA (Huntahan ng mga Ulama at Liga para sa Mamamayan) ang mga repormang sinimulan natin upang maging handa tayong lahat para sa mga hamon ng hinaharap,” sabi ni Roxas.
Sa tulong ng UBAS at HULMA, nahihikayat ng gobyerno sa pamamagitan ng DILG ang pakikilahok ng mga komunidad at iba’t ibang grupong pangrelihiyon na bantayan o “watchdogs” sa pagmomonitor ng mga proyekto ng gobyerno.
Sa ngayon, ipinatutupad ang UBAS at HULMA sa 15 probinsiya at 10 lungsod sa 10 rehiyon sa pakikipagtulungan ng mga grupong Kristiyano at Muslim.