MANILA, Philippines - Patay ang isang binatilyo habang dalawa pang lalaki ang malubhang nasugatan sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril at pananaksak sa mismong araw ng Pasko sa lungsod ng Caloocan.
Dead-on-arrival sa Caloocan City Medical Center dahil sa isang tama ng bala sa ulo ang biktimang si Orlando Patacail, 17-anyos, out of school youth, at residente ng no. 157 Salmon Street, Brgy. 8, ng naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat, sangkot sa isang rambol ng mga kabataan si Patacail at kapatid na si Fernando dakong alas-9:40 noong Huwebes ng gabi sa may kanto ng Salmon Street at Tejada Alley sa Brgy. 8, Dagat-dagatan, nang barilin ito sa ulo ng isa sa hindi pa nakikilalang mga suspek. Isang bala naman ang narekober sa lugar at patuloy pa rin na inaalam ang pagkakakilanlan ng suspek.
Malubhang nasugatan rin ang isa pang hindi nakikilalang kabataan makaraang barilin ng sumpak ng suspek na si John Ron Riquzo dakong alas-12:05 ng Huwebes ng tanghali sa Phase 78 Package 6, Brgy. Bagong Silang ng naturang lungsod.
Agad na nadakip si Riquzo ng mga rumespondeng pulis na nakasaksi pa sa ginawang pamamaril nito sa biktima.
Kritikal naman sa loob ng J. Rodriguez Hospital dahil sa limang tama ng saksak ng patalim ang 22-anyos na si Nikko Espocia, ng Phase 9 Block 68 Brgy. Bagong Silang, dakong alas-2:30 ng madaling araw ng Pasko.
Agad namang nadakip ang 16-anyos na suspek ng mga rumespondeng barangay tanod at nakatakdang ipasa ang kustodiya sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO).