MANILA, Philippines - Naaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang umano’y most wanted na lider ng notoryus na grupo na sangkot sa gun-for-hire, robbery holdup at talamak na illegal drug operations sa Metro Manila, ayon sa opisyal kahapon.
Kinilala ang mga suspek na sina Marcos Morallos alyas Maco at Danilo de Paz alyas Ponggoy, kung saan ang una ay nadakip dakong alas-4:30 ng madaling-araw sa Building 20, Aroma Compound Temporary Housing, Brgy 105, Road 10, Tondo. Sangkot si Morallos sa gun-for-hire, robbery/holdap at pamamaslang sa buong Maynila. Inaresto siya sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Zenaida Daguna at hindi pinayagan na makapagpiyansa.
Nabatid na kabilang sa mga nasa watchlist ng National Capital Region Special Task Group Pivot Priority Target ang grupo ni Morallos.
Samantalang si De Paz, lider naman ng Ponggoy gang ay nasakote dakong alas-8:30 ng gabi nitong Disyembre 25 sa Pandan, Antique sa bisa ng warrant of arrest sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2000.
Ang Ponggoy gang ay sangkot rin sa robbery/holdup sa Metro Manila at kabilang rin sa mga tinutugis na most wanted sa batas .
Sa tala ang suspect ay sangkot sa pagpatay kay SPO1 Jesus Tison, miyembro ng Southern Police District at ikinokonsiderang No. 1 most wanted sa katimugang bahagi ng Metro Manila.