Love triangle tinapos sa saksak

MANILA, Philippines – ‘Love triangle’ ang pinaniniwalaang motibo ng pagpatay sa isang da­ting sundalo nang ito ay ataduhin ng saksak ng karibal nito sa pag-ibig sa Passi City, Iloilo kamakalawa.

Ang biktima na namatay noon din dahil sa malalalim na saksak partikular na sa kaniyang ulo at leeg ay kinilalang si Alberto Berdonar, 38, na nasibak dahilan sa AWOL (Absence Without Official Leave).

Batay sa ulat ni Passi City Police Chief P/ Supt. Hector Maestral, nangyari ang krimen dakong alas-12:30 ng tanghali sa Brgy. Poblacion ng lungsod na ito.

Napag-alaman na ang biktima ay tubong General Santos City at nanunuluyan lamang sa Passi City dahil naririto ang karelasyon nitong babae na umano’y may-asawa na.

Lumabas sa im­bestigasyon ng pulisya kasalukuyang nasa bisinidad ng Brgy. Poblacion, Passi City ang biktima nang daluhungin nang saksak ng lalaking pinaniniwalaang karibal nito sa pag-ibig.

Sa bilis ng pangyayari ay hindi na nakuha ng biktima na ipagtanggol ang kaniyang sarili habang mabilis namang tumakas ang salarin.

Show comments