Bathtub, sound system, shabu sa Bilibid

Iprinisita ng Philippine Natio­nal Police – Special Action Force ang vault na pag-aari ni Herbert Culangco, chairman ng Maximum Security Compound, ang mga appliances at iba’t ibang high techno­logy na gamit sa isinagawang raid ng pinagsanib na puwersa ng NBI, DOJ at PDEA kahapon  sa New Bilibid Prison. (Kuha ni Joven Cagande)

MANILA, Philippines – Laking gulat ni Justice Secretary Leila de Lima sa kanyang mga nadis­kubre nang magsagawa ng sorpresang inspeksiyon kahapon ng umaga sa New Bilbid Prison  kasama ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Nadiskubre ang mga hinihinalang shabu, mamahaling bathtub, sound system, air-conditioner system na pagmamay-ari ng isa sa mga convicted drug lord na nakakulong dito.

Kasama ni De Lima na sumalakay ang mga kagawad ng National Bureau of Investigation Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)  at Philippine National Police (PNP), dahil na rin sa natanggap na report na patuloy ang transaksiyon ng mga drug lords na nakahiwalay sa piitan.

Sa paghalughog ng awtoridad partikular sa Room 20 ng Building 2 na kulungan ni Peter Co, isa umano sa 19 na drug lords, tumambad ang hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.

Nadiskubre ring may CCTV camera sa kwarto, broadband Internet, baraha at iba pa. Mistula ring opisina ang lugar dahil may sariling mesa, carpet at entertainment set.

Iniimbestigahan na rin anya ang ilang opisyal ng NBP, bukod pa sa isang bilanggo na umano’y nahulihan ng P175,000 cash.

Dahil dito, sinabi ni  De Lima na marami pang gugulong na ulo  ng mga NBP emplo­yees and officials.

Show comments