MANILA, Philippines - Pinaigting ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang paghahanda sa seguridad sa lahat ng sulok ng bansa, partikular sa Metro Manila upang mapanatili ang katahimikan ngayong Kapaskuhan.
Ayon kay Col. Resty Padilla, tagapagsalita ng AFP na ito ang kanilang tugon sa kailangang seguridad ng publiko sa mga magaganap sa bansa tulad ng Pasko, at Bagong Taon.
Nakipag-ugnayan na rin sila sa Philippine National Police (PNP) at multi sector kabilang ang pagtatalaga ng kanilang puwersa sa Metro Manila.
Sa probinsya naman ay tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa mga opisyales ng local government units (LGUs) partikular sa mga gobernador na mamumuno sa pagbibigay ng direksyon sa peace and order council para sa pagpapanatili ng seguridad.
Partikular na paiigtingin ang seguridad sa mga terminal ng bus, jeepney o anumang sakayang pampubliko.