Isa sa bumaril sa solon, nadakip
MANILA, Philippines – Nadakip ng mga otoridad ang isa sa mga suspek na umano ay sangkot sa pananambang sa convoy ni Iligan City Lone District Rep. Vicente “Varf” Belmonte Jr., sa Laguindingan, Misamis Oriental na ikinasawi ng tatlo nitong bodyguard.
Ang nadakip na suspek ay kinilalang si Dominador Tumala, 52, umano’y dating miyembro ng New People’s Army (NPA) ng Sergio Osmeña, Zamboanga del Norte.
Nasakote si Tumalo na isang dayo lamang sa lugar matapos itong bumili ng makakain sa isang tindahan sa bayan ng Laguindingan.
Nakapaa ang suspek at umano’y kahinahinala ang kilos at ng matanong ay sinabing dumalaw lamang ito sa burol ng kaniyang ina pero hindi naman nito maituro kung saang lugar sa nasabing bayan.
Nagkunwaring baliw din ang suspek upang makaiwas sa pag-aresto ng pulisya na nagsasagawa ng law enforcement operations sa lugar at checkpoint bunga ng insidente.
Magugunita na noong Huwebes dakong alas- 1:45 ng hapon ay tinambangan ng mga armadong kalalakihan na lulan ng van ang convoy ni Belmonte na kagagaling lamang sa Laguindingan airport at patungo na sa Iligan City.
- Latest