Bukidnon bus bombing ‘terrorist act’- AFP

MANILA, Philippines - Isang uri ng ‘terro­rist act’ ang naganap na pambobomba sa bus ng Rural Transit Mindanao Inc., (RTMI) na ikinasawi ng 10 katao na lima ay estudyante habang 41 ang nasugatan na naganap kamakalawa sa Brgy. Dologon, Maramag, Bukidnon.

Batay sa ulat, bandang alas-5:45 ng gabi nang maganap ang pagsabog sa harapan ng Central Mindanao University sa nasabing lugar.

Ang nasabing bus ay galing sa Wao, Lanao del Sur at patungong Cagayan de Oro City ng maganap ang insidente.

Sinabi ni AFP Spokesman Restituto Padilla, lahat ng uri ng pambobomba at matitinding karahasan na maraming buhay at ari-ariang napipinsala  ay itinuturing na ‘act of terrorism’.

Ikinalulungkot ng AFP ang naganap na pambobomba at  sinabi ni Padilla na ipinaabot na ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr., ang pakikiramay sa pamilyang naulila ng mga nasawing biktima.

Sinabi ni Padilla na lahat ng grupo na may kapabilidad na magsagawa ng terorismo ay iniimbestigahan nilang nasa likod ng insidente.

Kabilang dito ay ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Jemaah Islamiyah (JI) terrorist  at maging ang mga extortionist gang sa lugar.

Ayon naman sa Bukidnon Police, bago ang insidente ay nakatanggap ng extortion demands ang nasabing kumpanya ng bus at nabatid na ito ang ikalawang insidente ng pambobomba sa unit ng nasabing bus company matapos ang nauna nang insidente noong Nobyembre 6 na kumitil ng buhay ng apat katao.

Lumilitaw na isang Improvised Explosive Device (IED) na ginamitan ng 60 MM mortar ang ginamit sa pagpapasabog at ang BIFF ay gumagamit ng naturang mortar.

Show comments