MANILA, Philippines - Patuloy na dumarami ang Pilipinong nadidismaya sa pagkakasangkot ni Vice President Jejomar Binay sa mga kaso ng katiwalian kung kaya’t lumalabo na umano ang ambisyon nitong maging Pangulo sa 2016 presidential elections.
Ito ang lumalabas sa pinakabagong resulta ng Pulse Asia “Ulat ng Bayan” survey na nagpapakitang patuloy na nababawasan ang bilang ng mga Pilipino na naniniwalang dapat siyang iboto bilang susunod na Pangulo.
Ayon sa nasabing ulat, bumagsak ng limang puntos ngayong Nobyembre ang Presidential Survey Rating ni Binay sanhi ng dumaraming bilang ng botante na dismayado sa pagkakasangkot nito sa mga kaso ng katiwalian noong Mayor pa lamang ng Makati.
Mula sa 31 puntos na nakuha ni Binay noong Setyembre, bumaba ito ng 26 puntos batay sa Pulse Asia survey na isinagawa mula Nobyembre 14 hanggang 20 sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ibig sabihin, halos 75 porsyento o tatlo sa apat na Pilipino ang ayaw na maging Pangulo si Binay at naghahanap ng ibang kandidato para sa 2016 national elections.
Pumangalawa naman sa survey si Senador Grace Poe na nakakuha ng 18 percent trust rating, sinundan ni Senador Miriam Santiago na 12 percent at Manila Mayor Joseph Estrada 10 percent at Senador Chiz Escudero 7 percent at DILG Secretary Mar Roxas 6 percent.
Ang naturang survey ay isinagawa noong November 14 hanggang November 20 ng taong ito mula sa 1,200 respondents.
Nitong Setyembre ay nagsimula na ang pagbagsak ng numero ni Binay, mula 41 puntos padausdos sa 31 puntos, sa kasagsagan ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon sa tong-pats ng Makati Parking Building at iba pang kaso ng katiwalian sa Makati.
Nabunyag ang pagkakasangkot ni Binay sa katiwalian noong Hulyo matapos na sampahan ito ng kasong plunder sa Ombudsman ni Atty. Renato Bondal kaugnay sa overpricing ng Makati Parking Building.
Samantala, inihayag ng tagapagsalita ni Binay na si Joey Salgado, pinuno ng Office of the Vice President-Media Affairs Division na ang 5 porsiyento ng pagbaba ng rating ng Bise Presidente ay marginal lamang.(Dagdag ulat ni-Ellen Fernando-)