MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong tax evasion ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) ang mag-asawang negosyante na nag-donate sa pangangampanya ni Vice President Jejomar Binay noong 2010 elections.
Aabot sa P39.03 milyon ang halaga ng tax liability ng mag-asawang James at Ann Loraine Tiu.
Sa rebelasyon ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado sa pagdinig sa Senado, pinakamalaking campaign donors ni Binay sa nagdaang halalan ang mag-asawang Tiu.
Si James Tiu ay kapatid ni Antonio Tiu na itinuturo namang dummy ni Binay sa ekta-ektaryang lupain sa Rosario, Batangas.
Nag-ugat umano ang reklamo sa pagkabigong magbigay ng tamang impormasyon ni James sa kanyang 2010 at 2011 income tax returns (ITR) habang nabigo namang magsumite ng kanyang 2010 hanggang 2012 ITR ang misis nito.
Batay sa rekord mula sa Commission on Elections (Comelec) na nakuha ng BIR, nakapag-donate ang mag-asawang Tiu ng tig-P7.5 milyon sa kampanya ni Binay bukod pa sa tig-P2.5 milyong kontribusyon sa political party ni Binay na PDP Laban.
Sinasabing may P5.85 milyong downpayment din si Tiu para sa isang BMW 3351 Cabrio sa parehong taon at nagbenta ng shares sa stocks sa halagang P259,500.
Nagkaroon din ito ng cost of expenses na aabot sa P150,000 at nagbayad ng capital gains tax na P9,511.
Taong 2011 naman nang mag-invest ng P7.5 milyon si Tiu sa Greenergy Holdings, Inc. at P21.5 milyon noong 2012.
Ayon kay Henares, nag-underdeclare ang mag-asawang Tiu ng kanilang income at nagkaroon din ng gastusin at investment na hindi naman tinukoy kung saan ito nagmula.