MANILA, Philippines – Malaki ang posibilidad na pumila sa bitayan ang isang Pinoy matapos na mahulihan ng limang kilong illegal drugs sa paliparan sa China.
Sa report na tinanggap ng DFA, inaresto ang Pinoy na itinago ang pangalan sa airport ng Ningbo, China matapos na makita sa kanyang bagahe ang limang kilong crystal methamphetamine o kilala sa tawag “ice” sa China. Siya ay dinakip habang nag-aantabay ng kanyang flight sa Ningbo airport patungong Kuala Lumpur, Malaysia.
Dahil dito, muling nagbabala at nagpaalala ang DFA sa mga Pinoy travelers na mag-ingat at huwag basta-basta maniwala sa mga alok ng mga sindikato ng droga.
Ayon sa DFA, ang pinakahuling modus operandi ng international drug syndicates ay mag-recruit ng mga biyahero o turista na siyang gagamitin nila upang magdala ng ilegal na droga palabas ng China.
Ang mga Pinoy recruits umano ay bibiyahe patungong Guangzhou mula Manila kung saan ipinapadala sa kanila ng miyembro ng sindikato na West African ang illegal drugs. Sasabihan umano silang pumunta sa Ningbo o Shenzhen kung saan kukuha ng flight patungong Kuala Lumpur. May dalawa pa umanong pagkakataon na ang Pinoy recruit ay sinamahan ng isang menor-de-edad sa kanilang biyahe.
Iginiit ng DFA sa mga Pinoy na mataas na parusa ang nag-aantay na parusa sa mga mahuhuli at mako-convict dahil sa pagpupuslit ng ilegal na droga.
Pinapayuhan din ang mga Pinoy na masusing dumaan sa pre-departure formalities na ipinatutupad ng Bureau of Immigration authorities. Ang pormalidad umanong ito ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pinoy travelers at makaiwas sa mga kaso ng illegal recruitment, human smuggling, at drug trafficking.
Magugunita na tatlong Pinoy na umano’y drug mule na sina Sally Ordinario-Villanueva, 32; Ramon Credo, 42 at Elizabeth Batain, 38, ang hindi nasagip ng pamahalaan at magkakasabay na binitay sa magkahiwalay na lugar sa China dahil sa drug smuggling noong 2011.