Ambulansiya niratrat ng NPA: 4 todas, 4 sugatan

MANILA, Philippines – Pinaulanan ng bala ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang isang ambulansiya na ikinamatay ng apat katao at pagkasugat ng apat na iba pa kamakalawa sa bayan ng Rosario, Agusan del Sur.

Namatay noon din sina Neljoy Cerna, 27 at Noni Mabong, 51, habang hindi na umabot ng buhay sa ospital sina Alfredo Cerna, 51 at Va­nessa Sabas, 30.

Nasugatan naman sina Liza Casilla, 47; Elmer Adonis, 37; Mae Roselyn Adonis, 8 at Brgy. Chairman Emilio Solidor  Jr., 49, Brgy. Marfil sa bayang ito.

Ayon kay 1st Lt . Jolito Borces, Civil Military Operations Officer ng Army’s 4th Infantry Division (ID) dakong alas-5:30 ng hapon ay sakay ng ambulansiya ang mga biktima at binabaybay ang Road 2, Brgy. Marfil pauwi na sa kanilang  mga tahanan nang ito ay pagbabarilin.

Nabatid na katatapos lamang dumalo ni Solidor sa selebrasyon ng pasasalamat sa Wayside Bible Baptist Church sa Sitio Latay, Brgy. Marfil, Rosario.

Inihayag ng opisyal na ginamit ni Solidor ang ambulansya na service vehicle ng kanilang barangay kung saan naki-angkas rito ang mga sibilyan.

May dalawang kilometro pa lamang mula sa simbahan nang paulanan na ng bala ang ambulansya na sinasakyan ng mga biktima at mabilis na nagsitakas ang mga rebelde matapos ang pananambang.

Natukoy na mula sa Front Committee 14  ng NPA Northern Eastern Mindanao Regional Command na pinamumunuan  ni Leonida Belarmino Sanchez alyas Ka Susay; Ariel Ornales alyas Ka Charlie at Renato Sayasat alyas Ka Friday ang nagsagawa nang pananambang.

Show comments