MANILA, Philippines – Nasilat ng tropa ng 2nd Infantry Batallion ang tangkang pagtatanim ng landmine ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) sa Brgy. Balolo, Guinobatan, Albay kahapon ng umaga.
Batay sa ulat, dakong alas-6:40 ng umaga ay nagpapatrulya ang tropa sa lugar nang maispatan ang may limang armadong rebelde.
Nagkaroon ng limang minutong palitan ng putok hanggang sa umatras ang mga rebelde at naiwan ang isang improvised landmine.
Walang naiulat na nasaktan sa puwersa ng pamahalaan at tinutugis ang mga nagsisitakas na mga rebelde.
Ayon kay Lt. Col. Perfecto Panaredondo, commander ng 2nd Infantry Batallion, nagpapakita lamang ng kawalan ng NPA ng respeto sa Geneva Convention at sa Comprehensive Agreement for Respect to Human Rights at International Humanitarian Law dahil ang paggamit ng landmine ay pinagbabawal sa labanan sa lupa dahil sa itinuturing itong nakakasira sa kalikasan.