Big time drug pusher dedo sa barilan, 5 kasama nadakip

MANILA, Philippines – Isang lalaki na umano ay drug pusher ang nasawi nang ito ay maki­pagbarilan sa mga pulis na aaresto sa kanila habang ang limang kasama nito ay nadakip naganap kahapon ng umaga sa Parañaque City.

Ang napatay na suspek ay kinilalang si Alex Cambang “alyas Alvin”,  may-asawa, ng  Muslim Compound, Barangay San Dionisio ng nasabing lungsod.

Ang limang kasamahan nito ay kinilalang sina Abdul Cabugatan, 49; Eshay Nunal, 49; Lucas Abdulmanan, 39; Picson Akbar, 24 at Omar Mosa, 30, pawang nakatira sa naturang lugar.

Batay sa ulat, bandang alas-6:30 ng umaga nang maganap ang shootout sa kahabaan ng River Bank, Talon 2, Barangay La Hueta.

Bago ito ay nagsagawa ng operation ang grupo ni Senior Inspector Paolo Paquito Tampol, bilang team leader, at ang operatiba ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) sa Muslim Compound.

Matapos arestuhin ang mga suspek  kaugnay ng anti-illegal drug operation  ay nanlaban si Cambang hanggang sa nagkaroon ng barilan sa pagitan ng mga ito.

Nasamsam ng mga otoridad ang limang maliit at isang malaking plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang .38 caliber na baril, isang granada, isang ba­lisong, isang improvised na samurai, isang weighing scale, assorted empty shell ng kalibre.45. pistol gun, at isang black na chest gun holster.

Ang napatay na suspek  ay itinuturing na big time drug pusher sa lugar.

Show comments