MANILA, Philippines - Walang kagatul-gatol na sinabihang “atat” ni Senate Majority Floor Leader Alan Peter Cayetano si Vice President Jejomar Binay matapos na mapaulat na nagsabi umano ito sa mga miyembro ng Boys Scout of the Philippines na “See you in Malacañang”.
Ayon kay Cayetano, bagaman at natutuwa siya dahil sa sobrang bilib sa sarili si Binay tinawag pa rin niya itong “atat”.
Nilinaw naman ni Cayetano na dalawa ang ibig sabihin ng ‘atat’ kung saan ang unang kahulugan ay “gustong-gusto” at ang ikalawa naman ay “Atras Tago-Atras-Tago”.
Inihalimbawa ni Cayetano ang ginawang paghahamon ni Binay ng debate kay Senator Antonio Trillanes pagkatapos ay biglang umatras ng nalalapit na ang araw ng kanilang debate.
Ang kailangan umano ng bansa ay isang presidenteng palaban at hindi isang ‘atat’.
Idinagdag rin ni Cayetano na nasa taumbayan na kung nais nilang mamuno sa Pilipinas ang isang lider na ‘atat’.
Isa si Cayetano sa posibleng tumakbong presidente sa 2016 kung saan posibleng makalaban niya si Binay.
Pero ayon sa senador, ibabase pa rin niya ang kanyang desisyon sa kalalabasan ng mga surveys.