MANILA, Philippines - Nagsampa ng kasong plunder at graft sa tanggapan ng Ombudsman ng grupong Sentinels of the Rule of Law laban kay Mandaluyong City Congresman Neptali Gonzalez II.
Batay sa 58 pahinang reklamo ng naturang grupo sa pangunguna ng tagapagsalita nilang si Jefferson Indap, na umaabot sa P315 milyon ang nawaldas ng naturang mambabatas dahil sa maanomalyang paggamit ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Ang batayan ng grupo sa pagsasampa nila ng kaso ay ang special audit report na inilabas ng Commission on Audit (COA) hinggil dito noong 2013.
Ayon kay Indap, isinampa ang kaso sa Ombudsman upang mabusisi ito ng husto ng naturang ahensiya hinggil sa sinasabing hindi magandang pinuntahan ng PDAF ng mambabatas.
Napaulat na ginamit ni Gonzales ang kanyang pork barrel sa mga kwestyunableng livelihood at financial assistance, pagbili ng kung anu-anong mga kagamitan at ilang mga ghost projects.
Binigyang diin ni Indap na walang aksyong isinagawa ang Ombudsman sa usaping ito dahil kaalyado ng administrasyon kung kayat sila na mismo ang nangalap ng mga ebidensya para sampahan ito ng kaso.