MANILA, Philippines - Inatasan ni Interior at Local Government Secretary Mar Roxas ang bagong talagang si CARAGA Police Regional Office Director na si Chief Supt. David Ombao na tutukan ang problema ng ilegal na pagtotroso sa rehiyon.
Sa pulong ukol sa lokal na disaster risk reduction management forum na dinaluhan ni Butuan City Mayor Ferdinand Amante, Jr. at mga opisyal mula sa 86 barangay ng lungsod, binigyang-diin ni Roxas ang malaking epekto ng nasabing aktibidades na itinuturong dahilan ng pagbaha sa CARAGA tuwing pumapasok ang buwan ng Enero at tumatagal hanggang Marso.
“Inatasan natin si RD PNP regional director na talagang sugpuin at hulihin lahat iyang mga illegal loggers na iyan,” pahayag ni Roxas. “Buwan-buwan magsisingilan tayo kung ano na ang nangyayari para talagang makita ng ating mga kababayan na hindi lang ito sa salita.”
Inatasan din ng kalihim ang hepe ng Special Action Force na si Police Chief Supt. Getulio Napenas na magtalaga ng dagdag na puwersang makatutulong kay Ombao sa kampanya laban sa ilegal na pagtotroso.
Sa bahagi naman ng city government, inilatag ni Mayor Amante kay Sec. Roxas ang contingency plan ng lungsod na labis na pinapurihan ng kalihim.
Ininspeksiyon din ni Roxas ang bahagi ng ilog sa Barangay Leon Kilat kung saan nakumpiska ang mga ilegal na troso may ilang linggo na ang nakararaan.