4 BIFF patay sa sagupaan

MANILA, Philippines - Apat na miyembro ng rebeldeng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) ang nasawi habang isang sundalo ang nasugatan nang muling magsagupa sa Brgy. Sapakan, Rajah Buayan, Maguindanao kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni Captain Jo-ann Petinglay, Public Affairs Officer ng Army’s 6th Infantry Division (ID), dakong alas-8:45 ng gabi nang magsagupa ang mga miyembrong BIFF at ang tropa ng Army’s 45th Infantry Battalion sa lugar.

Nagkaroon ng ilang minutong bakbakan sa pagitan ng magkabilang panig na ikinasawi ng apat na BIFF na inaalam pa ang pagkakakilanlan.

Ang grupo ng BIFF ay pinamumunuan ni Mohiden Animbang alyas Commander Karialan na aktibo sa paghahasik ng karahasan sa Central Mindanao.

Sa nasabing sagupaan ay nagsilikas ang may 150 pamilya sa lugar at nanuluyan sa Poblacion ng Rajah Buayan sa takot na maipit sa bakbakan.

Patuloy ang pagtugis ng mga sundalo sa mga nagsitakas na BIFF.

 

Show comments