Kahero dedo sa bantay salakay na sekyu

MANILA, Philippines – Isang kahero ang nasawi nang ito ay hambalusin ng tubo sa ulo ng kanilang sekyu na may kasamang dalawa nang holdapin ang pinapasukang gasolinahan kamakalawa sa Diplahan, Zamboanga Sibugay.

Ang nasawi ay kinilalang si Alejandro Dagook, 21, cashier, ng Sterling Gasoline Station na pag-aari ng isang tinukoy na Engineer Alquitas.

Nasugatan naman ang isang Jubani Gallove, 19, cable lineman na hinambalos din ng tubo ng mga kawatan matapos itong masalubong sa daanan habang papatakas.

Sa ulat, bandang alas-12:30 ng madaling araw nang holdapin ng mga armadong suspek sa pangunguna ng bantay salakay na guwardiya na si Jurie Engcanan Alingin ang gasolinahan.

Nanlaban ang biktima, kaya’t hinambalos ng bakal na tubo sa ulo ng ilang beses na siya nitong dagliang ikinasawi.

Habang papatakas ay nabulaga ang mga suspek ng masalubong sa bisinidad ng gasolinahan si Gallove kaya pinaghahampas din ito ng tubo sa ulo.

Nagawang matangay ng mga suspek ang vault na pinaglalagyan ng pera habang narekober ang dalawang bakal na tubo at ang cal. 38 pistol ng naghudas na security guard.

Nasakote naman ng pulisya si Alingin, miyembro ng Philpest Security Agency sa isang follow-up operation habang  tinutugis ang dalawa pa nitong kasamahan.

Show comments